Monday, May 18, 2026

PNP units, nakaalerto na kasabay ng pagsisimula ng impeachment court proceedings ng Senado

Nakaalerto na ang mga units ng Philippine National Police (PNP) sa posibleng kilos-protesta at iba pang aktibidad kaugnay ng pagsisimula ng impeachment court proceedings ng Senado.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.,nakahanda na ang pwersa ng pulisya para tumiyak na ang lahat ng isasagawang aktibidad ng iba’t ibang grupo mula sa magkabilang panig ng pulitika ay mananatiling mapayapa, inaasahan kasi na magiging mataas ang emosyon ng mga supporters ng mga nito.

Kasama sa pinaigting ang deployment ng mga pulis sa paligid ng Senado at iba pang natukoy na convergence points sa buong bansa.

Nabatid na nauna nang kinumpirma ng pamunuan ng Senado na magtitipon ang kapulungan bilang impeachment court alinsunod sa umiiral na mga tuntunin at pamamaraan.

Kaugnay nito, saad naman ni Nartatez sa mga magkikilos-protesta, naiintindihan ng PNP ang sentimyento ng nakakarami patungkol sa nasabing usapin ngunit huwag sana umanong tingnan sila ng mga ito bilang kaaway dahil ang intensyon ng kanilang presensya ay para sa kaligtasan at seguridad ng publiko.

Nanawagan siya sa mga nagpaplanong magsagawa ng rally na gawin sanang mapayapa at maayos ang gagawing aktibidad.

Facebook Comments