
Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na hindi dapat makompromiso o masakripisyo ang ibang mga mahahalagang programa at serbisyo ng pamahalaan sa gitna ng pagtulong ngayong may krisis sa bansa.
Ito ay matapos ihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na mangangailangan ng P155 billion para mapondohan ang United Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport (UPLIFT) at ang pondo ay maaaring hugutin sa savings ng mga ahensya, realigned allotments, o hindi pa nailalabas na pondo.
Binigyang-diin ni Go na bagamat maaaring gamitin ang mga available government funds para sa pangangailangan ng publiko, mahalagang matiyak na hindi nito mapapahina ang mga serbisyo sa publiko.
Sinabi ng senador na kapag kukuha sa savings siguraduhing hindi makokompromiso ang serbisyo sa gobyerno partikular na sa kalusugan tulad na lamang sa naging isyu sa PhilHealth funds.
Mahalaga aniya na malinaw ang proseso, beneficiaries, at epekto kung gagamit ng savings upang hindi masayang ang pondo.










