
Walang mababago sa posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kaugnay sa isyu ng nilulutong impeachment laban kay Vice Presidente Sara Duterte.
Ito ang muling sinabi ng Malacañang kasunod ng naging pahayag ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile kaugnay sa ikinasang Nationwide Rally for Peace kamakailan ng Iglesia ni Cristo.
Tanong kasi ni Enrile, kaya bang amyendahan ng INC ang Saligang Batas o suspendihin ang anumang probisyon nito.
Handa rin daw ba ang Pilipinas na isantabi o isakripisyo ang kahalagahan ng rule of law para sa isang grupo o ilang indibidwal.
Matatandaang sa naging rally ng INC ay ipinapanawagan nila na huwag nang ituloy ang impeachment kay VP Sara na tatlo na ngayon ang nakahain sa Kongreso.
Ayon naman kay Executive Secretary Lucas Bersamin, palaging bukas si Pangulong Marcos Jr. sa iba’t ibang ideya ng mga miyembro ng kaniyang Gabinete.
Bagama’t maituturing na may bigat ang naging pahayag ni Enrile at isa sa seryosong ikinokonsidera ng Pangulo ay wala pa rin daw mababago sa posisyon nito sa isyu.
Sa naging pahayag pa ni Enrile, isang constitutional legal process ang impeachment na layong alisin ang isang government official sa kaniyang pwesto kapag may batayan talaga at ebidensiya na sumusuporta rito.
Pero hindi naman aniya awtomatikong makukulong ang isang impeached official dahil lamang sa pagkakatanggal sa pwesto.