Tuesday, August 4, 2026

Presentasyon ng testigo at ebidensya ng House prosecution panel, lalagpas ng isang buwan — Impeachment Court

Posibleng higit isang buwan pa ang pagprisinta ng House prosecution panel ng mga testigo at dokumento para patunayan ang mga paratang laban kay Vice President Sara Duterte tungkol sa maling paggamit ng P612.5 million confidential funds.

Sinabi ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol na sa pre-trial conference ay nasa 31 trial days ang hiningi ng prosecution para magprisinta ng 27 testigo at mga ebidensya kaugnay sa Article 1 ng impeachment.

Bagaman inanunsyo ng prosecution na 13 na lang sa halip na 27 ang ihaharap nilang testigo, sinabi ni Tongol na magdedepende pa rin ang tagal o bilis ng impeachment trial sa authentication at identification ng mga dokumentong nais gamitin ng prosecution sa paglilitis.

Ipinunto rito ang sinabi ng prosecution sa impeachment trial kahapon na mahigit 3,000 ang mga dokumento ukol sa confidential funds na nilalaman ng 15 kahon na kanilang inumpisahang iprisinta sa day 11 ng impeachment trial.

Ngayong Day 12 ng impeachment trial ay ipagpapatuloy ang direct examination ng prosekusyon kay Commission on Autdit (COA) Auditor Roderick Wamil kaugnay sa pag-audit niya sa P125 million confidential funds ng Office of the Vice President noong 2022.

Kahapon ay ipinakita ang mga acknowledgement receipts ng pagtanggap ng confidential funds kabilang na rito ang kay Mary Grace Piattos.

Tinukoy kahapon ang iba’t ibang kaduda-dudang pangalang nakapirma, marami ang kulang na dokumento, hindi rin nakasaad kung ang pinaggamitan sa confidential funds ay para sa confidential operations, at hindi saklaw ng disbursement coverage ang mga petsang nasa acknowledgement receipts.

Bukod pa sa OVP ay i-e-examine rin ang confidential funds na ginamit noong January hanggang September 2023 kung saan Kalihim ng Department of Education (DepEd) noon ang bise presidente.

Facebook Comments