Thursday, July 30, 2026

Atty. Levi Baligod pumalag sa pagsasampa ng DOJ ng kaso laban sa kanila sa iba’t ibang Regional Trial Court

Pumalag si Atty. Levi Baligod sa resolusyon ng Department of Justice (DOJ) na nagrerekomendang sampahan na sila ng patung-patong na kaso sa iba’t ibang korte.

Ito ay matapos kumpirmahin ng DOJ na inihain ang mga kasong cyberlibel at perjury sa Regional Trial Court ng Caloocan City, Las Piñas City, Muntinlupa City at San Juan City.

Ayon kay Baligod, tila sinadya ito para pahirapan sila at hindi rin umano naging patas ang proseso ng National Prosecution Service.

Paliwanag niya, binalewala ng DOJ ang naging pahayag ng Office of the Ombudsman na nagsabing mahalagang ebidensya ang mga sinumpaang salaysay ng 8 dating security personnel ni dating Congressman Zaldy Co.

Bukod diyan, hindi rin daw sila nabigyan ng pagkakataon na maghain ng Motion for Reconsideration bilang bahagi ng due process.

Inakusahan din ni Baligod si Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na sumabotahe sa mga kaso na inihahanda ng Ombudsman at pinoprotektahan ang umano’y mga magnanakaw.

Pero sabi naman ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang desisyon ng kagawaran ay batay sa mga ebidensiya sa mga kaso at wala itong kinalaman sa ginagawang imbestigasyon ng Ombudsman.

Facebook Comments