
Malinaw para sa House Prosecution Panel na layunin ng press conference kahapon ni Vice President Sara Duterte na ilihis ang atensyon ng lahat mula sa impeachment trial kung saan tiyempong nakasalang bilang testigo ang opisyal ng Anti Money Laundering Council (AMLC) at mga kinatawan ng iba’t ibang bangko.
Ayon kay House Prosecution Adviser at Spokesman Ace Barbers, klaro na nais ni VP Sara na ibaling ang atensyon ng publiko mula sa pagtalakay ng impeachment trial sa ikalawang article of impteachment o pagkakaroon niya ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi idineklara sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Sinabi din ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na halatang target ng presscon ni VP Sara kahapon sa Davao na huwag ma-highlight ang testimonya ni AMLC Executive Director Ronel Buenaventura.
Sa presscon ni VP Sara ay sinagot niya ang mga alegasyon ni dating Police Officer Rodulfo Gracioso Jr., na pag-deliver sa kanya ng mga maletang may lamang salapi.
Lumabas naman sa testimonya ni Buenaventura na umaabot sa 4.4 billion pesos ang covered at suspicious financial transactions na kinasangkutan ni VP Sara at mister na si Atty. Manases Carpio mula 2007 hanggang 2025 na hindi tugma sa SALN.
Batay naman sa testimonya ng mga kinatawan ng ilang bangko ay umaabot sa 190 million pesos ang pinagsamang year-end balances ng kanilang 30 active accounts mula 2022 hanggang 2025.










