REROUTING SCHEME SA SAN FABIAN, IPATUTUPAD SA UNDAS; PAGLANGOY SA BAYBAYIN, IPAGBABAWAL SA GABI

Ipatutupad ng San Fabian Municipal Police Station ang traffic rerouting scheme at iba pang panuntunan sa kaligtasan para sa Undas 2026.

Alinsunod sa Executive Order Number 54, Series of 2026, na inilabas ni Mayor Marlyn E. Agbayani, magbabago ang daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo at baybayin sa mga barangay ng Nibaliw at Cayanga sa Nobyembre uno.

Para sa mga papasok na sasakyan, itatakda ang ruta sa Braganza Street at Sagud Bahley, habang sa Primicias Street at Jugo Street dadaan ang mga palabas na sasakyan.

Hindi naman papayagan ang malalaking sasakyan sa mga beach area mula alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi, at ipagbabawal din ang pagpaparada sa tabing-dagat.

Bukas ang mga sementeryo at columbarium mula alas-singko ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi mula October 30 hanggang November 1, na may tatlong oras na limitasyon sa pananatili ng bawat bisita.

Samantala, ipagbabawal ang paglangoy sa baybayin mula alas-singko ng hapon hanggang alas-singko ng umaga kinabukasan.

Nagtalaga rin ng mga Public Assistance Desk upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa panahon ng Undas.

Hinikayat ng pulisya ang publiko na sumunod sa mga panuntunan para sa ligtas na paggunita sa Undas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments