
Inanunsyo ngayon ng Department of Social Welfare and Development o DSWD na patuloy na isinasagawa ang kanilang pag-update ng profile at impormasyon ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps sa Eastern Visayas Region sa i-Registro web portal bilang bahagi ng implementasyon ng First 1,000 Days (F1KD) Grant.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ang mga aktibong benepisyaryo ng 4Ps na buntis at/o may anak na 0-2 taong gulang ay kinakailangang mag-update ng kanilang impormasyon sa i-Registro gamit ang kanilang mobile devices.
Paliwanag pa ni Dumlao na mahalaga ang kanilang pagpaparehistro upang maisama sila sa susunod na balidasyon para makatanggap ng karagdagang cash grants mula sa F1KD.
Giit ng opisyal ang i-Registro ay isang “self-service” digital platform at isa sa mga alternatibong paraan upang mabilis at maayos na ma-update ang impormasyon ng mga benepisyaryo.