
May savings na ang gobyerno na maaaring panghugutan para sa mga pondong ipinababalik ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa 2025 national budget.
Ayon kay Executive Sec. Lucas Bersamin, kabilang sa maituturing na savings ay ang pasweldo sa mga bakanteng posisyon sa pamahalaan na hindi napunan ngayong Enero, ngunit may alokasyon na sa 2025 budget.
Ito umano ay magiging bahagi ng savings, ngunit ang pangulo lamang ang maaaring gumalaw dito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan sa augmentation.
Samantala, sinabi naman ni DBM Sec. Amenah Pangandaman na may mga ispesipikong panuntunan at regulasyon sa General Appropriations Act kaugnay ng paggamit ng savings para mapondohan ang mga programa at proyekto.
Mababatid na ipinababalik ng pangulo ang bilyon-bilyong pisong tinapyas na pondo ng kongreso, lalo na ang mga alokasyon sa legacy at life-changing projects.