PROVINCIAL TOP 5 MOST WANTED PERSON NG CAGAYAN, ARESTADO

19
Napasakamay nang mga awtoridad ang Women and Children’s Protection Desk (WCPD) Provincial Top 5 Most Wanted Person na may kasong panggagahasa sa Tuao, Cagayan noong Agosto 9, 2022.

Kinilala ang akusado na si alyas “Carl”, 23 taong gulang, walang asawa at residente ng Barangay Dagupan, Tuao, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyong ng 98.5 iFM Cauayan sa Cagayan Police Provincial Office, nagtungo ang biktima kasama ang kanyang nanay sa himpilan ng pulisya para isumbong ang nangyaring panggagahasa sa kanya ng suspek noong nakaraang taon, Agosto 9.

Ang panggagahasa umano ng lalaki sa biktima ay nagresulta ng maagang pagkabuntis ng menor de edad.

Ayon sa salaysay ng 16 taong gulang na biktima, nangyari ang panggagahasa noong Enero 2021 habang ang biktima ay may sakit at naiwan sa kanyang 72 taong gulang na Lola.

Habang natutulog ay bigla umano may naramdamang pumatong sa kanya at nang magpumiglas ang biktima ay tinakpan ng suspek ang kanyang bibig at tinakot siya nito saka isinakatuparan ang krimen.



Ang suspek ay naaresto sa bisa ng warrant of arrest matapos ang ginawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Tuao Police Station, Regional Drug Enforcement Unit at Regional Group on Special Concern (RGSC) 1st CPMFC, PIU-Cagayan, Provincial Intelligence Unit Cagayan-Regional Intelligence Unit 2.

Nasa kustodiya ngayon ng Tuao Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon.

Facebook Comments