
Hiniling ng Malacañang sa mga budget watchdogs na ibigay sa kanila ang kopya ng mga kuwestiyonableng insertion na nadiskubre sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang budget para sa 2027.
Kabilang dito ang mga red flags na nakita umano ng People’s Budget Coalition at iba pang grupong nagbabantay sa paggamit ng pondo ng gobyerno, partikular ang mga pinaghihinalaang pork barrel.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, bukas ang Palasyo na makipag-ugnayan sa mga watchdogs at hinihiling na isumite ang mga dokumentong magpapatunay sa kanilang mga natuklasan.
Ipaabot aniya nila ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na handang makinig sa mga grupo na tumutulong sa pagbabantay sa pambansang budget.
Binigyang-diin ni Castro na hindi dapat abusuhin ang pera ng bayan dahil nakalaan ito sa mamamayan at hindi sa bulsa ng sinuman.










