Pulis, arestado dahil sa kaso ng pangho-holdup sa Batangas

Nahuli ang isang pulis ng kaniyang kapwa pulis dahil sa kasong pangho-holdup sa Batangas.

Kinilala ang suspek na si Patrolman Glenn Malijan Angoluan na nakatalaga sa 2nd Laguna Provincial Mobile Force Company.

Ayon kay Police Col. Rogarth Campo Provincial Director ng Laguna Provincial Police Office, nakatanggap sila ng flash alarm na may nangyaring robbery incident sa UniOil Gasoline Station, Brgy. Santiago, Sto. Tomas, Batangas.


Batay sa imbestigasyon ng Sto. Tomas Philippine National Police (PNP), itinuro ng gasoline boy na ang suspek ay sakay ng color orange/black Honda Click na walang plate number, nakasuot ng hoodie sweater color gray at jogging pants na tumakas sa direksyon ng Laguna.

Sa checkpoint na isinagawa ng Pagsanjan Police, sa National Highway, Brgy. San Isidro, naaresto ang suspek na si Angoluan.

Sa imbestigasyon ay inamin ng suspek ang krimen at siya rin umano ang nasa likod ng mga sunod-sunod na pangho-holdup sa 7-11 convenient stores sa lugar.

Sa ngayon, na-i-turn over na sa Santo Tomas, Batangas PNP si Patrolman Angoluan na mahaharap sa patong-patong na kaso.

Facebook Comments