Tuesday, August 4, 2026

Malacañang, nanawagan sa Manibela na huwag ituloy ang tatlong araw na transport strike

Nanawagan ang Malacañang sa grupong Manibela na idaan sa dayalogo ang kanilang mga hinaing sa halip na magsagawa ng transport strike sa susunod na linggo.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, bukas ang pamahalaan sa pakikipag-usap at handang pakinggan ang mga hinaing ng transport groups upang makahanap ng maayos na solusyon.

Hindi aniya sagot ang transport strike sa kasalukuyang isyu dahil higit na maaapektuhan ang mga commuter at maaari ring makaapekto sa ekonomiya.

Gayunman, hindi pipigilan ng Palasyo ang sinuman sa pagsasagawa ng protesta bilang bahagi ng kanilang karapatan.

Tiniyak din ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan na tumugon sa anumang magiging epekto ng planong transport strike ng Manibela upang mabawasan ang abala sa mga pasahero.

Ikakasa ng grupong Manibela ang tatlong araw na transport strike mula August 10 hanggang 12 upang igiit ang agarang pag-apruba sa kanilang hiling na provisional fare increase kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Facebook Comments