
Pinaalalahanan ng Quezon City University o QCU ang mga incoming freshmen at aplikante na libre at wala silang hinihinging kabayaran para sa tuition at school fees, scholarships, at pagpoproseso ng admission o enrollment.
Ito ay matapos silang makatanggap ng mga ulat na may mga indibidwal umanong nanghihingi ng monetary payments kapalit ng nasabing mga serbisyo matapos ilabas ang resulta ng college admission test ng unibersidad para sa Academic Year 2026-2027.
Dahil dito, hinimok ng administration at faculty ng unibersidad ang publiko na maging mapanuri sa mga nababasa online at i-report agad ang mga kahina-hinalang transaksyon o indibidwal na nanghihingi ng kabayaran para sa reservation o slot, processing fee sa admission o enrollment, early registration o confirmation payments, at scholarship facilitation fees.










