PAGNANAKAW SA GADGET SHOP SA UMINGAN, KINONDENA NG LGU; PULISYA NAGSASAGAWA NG IMBESTIGASYON

Kinondena ng lokal na pamahalaan ng Umingan ang naganap na pagnanakaw sa isang gadget shop sa Poblacion East habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa insidente.

Target ng pagnanakaw ang LGT Gadgets, kung saan inaalam pa ng mga awtoridad ang kabuuang halaga at mga gamit na tinangay, gayundin ang iba pang detalye sa likod ng insidente.

Ayon sa LGU Umingan, kumikilos na ang kapulisan at nagsasagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang mga indibidwal na posibleng sangkot.

Kapag nakalap na ang sapat na ebidensya, layunin ng mga awtoridad na papanagutin sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang responsable sa pagnanakaw.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko, partikular sa mga maaaring nakasaksi o may impormasyon kaugnay ng insidente, na makipag-ugnayan sa mga awtoridad upang makatulong sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Patuloy namang hinihintay ang karagdagang impormasyon mula sa pulisya hinggil sa paraan ng pagpasok sa establisyemento, halaga ng mga ninakaw na kagamitan, at pagkakakilanlan ng mga posibleng suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments