
Inaprubahan na sa plenaryo ng Senado ang Senate Joint Resolution no. 3 na humihimok sa National Telecommunications Commission (NTC) na mag-isyu ng provisional authority sa Starlink para magtayo, magpanatili, at mag-operate ng satellite ground stations para makapagbigay ng internet services sa bansa.
Sa sponsorship speech ni Senator Grace Poe, tinukoy nito na 65% ng mga Pilipino sa bansa ang “unconnected” o wala pa ring serbisyo ng internet at marami ang loading pa rin sa internet dahil hindi makapagtayo ng imprastraktura sa malalayong lugar.
Magkagayunman, isa ang Starlink ng negosyanteng si Elon Musk sa nakikitang pag-asa at solusyon para maaabot ng internet connectivity ang maraming malalayo at isolated na lugar sa bansa na hindi kailangang magtayo ng pasilidad.
Ipinunto pa ni Poe na maraming ahensya ng pamahalaan at non-government organizations (NGOs) ang gamit ay Starlink para maihatid ang mga mahahalagang programa mula nang makatanggap ng awtorisasyon ang Starlink sa NTC at Department of Information and Communications Technology (DICT) noong 2022.
Iginiit ni Poe na kapag binigyan ng provisional authority ang Starlink, makatitiyak na ang Starlink ay tuloy-tuloy na makapagbibigay ng connection nang walang delay maski sa mga lugar na mahirap marating ng gobyerno.