
Kinontra ng Malacañang ang pahayag ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na epekto ng pagkakaaresto sa dating pangulo ang naging resulta ng midterm elections.
Batay kasi sa pahayag ni dating Chief Legal Counsel Salvador Panelo, ang resulta ng halalan ay nagbabadya o repleksyon ng protest vote laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi rin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na ang mataas na botong natanggap niya ay boto ng pagprotesta o pagkilos mula sa mga kababayang naagrabyado sa kinahinatnan ni Duterte.
Pero giit ni Palace Press Officer Claire Castro, hindi naman marapat na kanlungin ang isang inaakusahan ng paggawa ng mali para lang makaiwas sa sinasabing protest vote.
Ang taumbayan din aniya mismo ang humusga sa mga kandidato kaya dapat na lamang itong irespeto at walang anumang epekto ang anumang sinasabi ng kampo ng dating pangulo.