
Kumpyansa si Senate President Chiz Escudero na magagawa pa rin nila sa Senado ang kanilang tunay na tungkulin bilang mga mambabatas sa pagpasok ng 20th Congress sa kabila ng pagiging abala sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Escudero, buo ang kanyang paniniwala na mayroon pa rin silang maipapasang mga mahahalagang panukalang batas sa kabila ng impeachment.
Sinabi ng Senate President na nagtakda sila ng schedule para magawa nila ang kanilang mga tungkulin bilang mambabatas at tiwala siyang bago pa man tuluyang tutukan ng Senado ang pambansang budget sa 2026 ay matatapos na nila ang ilang pre-trial proceedings.
Samantala, bago naman magtapos ang 19th Congress sa Hunyo 13, kabilang sa mga panukala na target maaprubahan ay ang reporma sa Mining Act, Rightsizing Bill, Judiciary Fiscal Independence Bill, Right of Way Bill, Anti-POGO Bill at pagsasaayos ng buwis para sa vape at denatured alcohol.