
Isinumite ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang revised na implementing rules and regulations (IRR) para sa pagpapatupad ng Anti-Bullying Act of 2013 sa mga paaralan.
Layunin ng revised IRR na makapagbigay ng mas epektibo at proactive na hakbang para labanan ang bullying sa mga paaralan, tugunan ang mga kabiguan sa kasalukuyang implementasyon ng batas at makapagbigay ng komprehensibong updates para mas maprotektahan ang mga mag-aaral.
Ibinatay ang rekomendasyon sa kakulangan ng guidance counselors sa bansa, kawalan ng tauhan ng Child Protection Committees sa mga paaralan, at underreporting o hindi pag-uulat ng mga paaralan ng mga nagaganap na bullying incidents dahil sa impluwensya ng reward system sa mga eskwelahan na may zero bullying cases.
Sa ilalim ng revised IRR, isinasapormal ang tungkulin ng Learner Rights and Protection Office (LRPO) na mangangalaga sa mga ulat ng bullying sa mga paaralan at titiyak sa sistematikong implementasyon ng mga polisiya laban sa bullying.
Ilan pa sa mungkahi ay ang integration ng mga guidance at school counselor associates sa mga paaralan, pagtatalaga ng discipline officer sa bawat eskwelahan na siyang responsable sa pagpapatupad at pagsunod sa mga polisiya at pagsiguro na may sapat na kakayahan at resources ang mga paaralan para pondohan ang pagsasanay at access ng mga estudyante sa counselling services.
Tiwala si EDCOM 2 Co-Chairperson Senator Sherwin Gatchalian na sa pamamagitan ng updated na IRR ay mas malinaw at mas matutugunan ng mga paaralan ang paglaban sa bullying at matiyak na ang bawat estudyante ay napoprotektahan.