Matagumpay na naibalik sa karagatan ang isang rough-toothed dolphin na natagpuang stranded sa baybayin ng San Fabian, Pangasinan matapos makumpirmang nasa maayos at stable itong kondisyon.
Naipagbigay-alam sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang insidente noong Nobyembre 14 ng mga mangingisda sa lugar.
Agad namang itinurnover ang nasabing lamang-dagat sa National Fisheries Development Center o NFDC sa Dagupan City para sa kaukulang pagsusuri at pangangalaga.
Batay sa ulat, sinuri ni Dr. Noel Difuntorum, beterinaryo ng BFAR Region 1, ang dolphin na pinangalanang “Novy” at nakumpirmang stable ang kondisyon nito.
Dahil dito, alas-12:45 ng tanghali noong Nobyembre 15 nang isagawa ng BFAR response team ang pagpapakawala kay Novy pabalik sa karagatan ng San Fabian.
Kaugnay nito, muling hinikayat ng BFAR ang mga mangingisda at residente sa mga baybaying lugar na agad ipagbigay-alam sa ahensya ang anumang makikitang stranded na lamang-dagat sa paligid ng Lingayen Gulf upang matiyak ang agarang pagtugon at wastong pangangalaga sa mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







