
CAUAYAN CITY – Inihayag ng 501st Infantry (Valiant) Brigade, 5th Infantry Division, Philippine Army na magsasagawa ito ng ikalawang yugto ng Salaknib-Balikatan Exercise o SABAK 2025 katuwang ang 25th Infantry Division ng U.S. Army simula ngayong araw, Hunyo 16 hanggang Hunyo 20, 2025.
Bilang bahagi ng naturang pagsasanay, inaasahan ang pagdaan ng mahahabang convoy ng mga sasakyang pandigma sa mga lansangang mag-uugnay sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija at Camp Melchor Dela Cruz sa Gamu, Isabela.
Kasama rin sa mga aktibidad ang Air Insertion o Military Free Fall na gaganapin sa Bagabag Airstrip, Nueva Vizcaya, at Fast Rope Insertion and Extraction exercises sa ISU Oval, Echague, Isabela.
Ayon sa 501st Brigade, ang SABAK 2025 ay bahagi ng regular na pagsasanay sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos upang hasain ang kasanayan ng mga sundalo sa magkabilang panig, at tiyakin ang kahandaan sa mga senaryong pangmilitar. Layunin din nito na higit pang paigtingin ang interoperability at kahusayan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa mga makabagong taktika at operasyong militar.
Hinimok din ng militar ang publiko na manatiling kalmado at huwag mangamba sa presensya ng mga sundalo at sasakyang militar sa mga lugar ng aktibidad, dahil ito ay bahagi ng planado at regular na military exercise na isinasagawa sa ligtas at kontroladong kapaligiran.