
Nanawagan si AGAP Party-list Representative Nicanor Briones kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad kumilos para tugunan ang pagkalugi ng mga hog raisers dahil sa mababang farmgate price at pagdami ng imported pork.
Ayon kay Briones, nasa 130 hanggang 140 pesos kada kilo ang farmgate price sa ilang lugar, habang umaabot sa 180 hanggang 190 pesos ang production cost.
Aniya, tinatayang umaabot sa 250 milyong piso kada araw ang lugi ng hog raisers nationwide kung kaya’t iminumungkahi ni Briones na itaas na ang tariff sa imported pork mula sa 15% in-quota at 25% out-quota sa ilalim ng Executive Order 62, tungo sa 30 at 40 percent.
Giit niya, hindi na dapat hintayin ang nakatakdang phased increase sa mga susunod na taon at dapat suriin ang paggamit ng mekanismo sa ilalim ng Republic Act 8800 o Safeguard Measures Act.
Kabilang pa sa kanyang panawagan ang shipping permits at ASF testing para sa imported pork, reclassification ng pork jowls, paggamit ng aktuwal na transaction value bilang reference, paglilimita ng MDM import permits sa meat processors, at paglalagay sa red lane ng imported pork offals para sa masusing inspeksyon.
Nanawagan din siya kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na paigtingin ang laban sa technical smuggling, kabilang ang misdeclaration, misclassification at undervaluation.
Binanggit din ni Briones ang umano’y pagkakakumpiska ng nasa 20 toneladang karne sa Marikina at alegasyon na may ilang hindi ligtas na karne na hinuhugasan ng tawas bago muling ibenta.
Giit ni Briones, kailangan ang agarang aksyon upang maprotektahan ang mga nag-aalaga ng baboy habang napapanatiling ligtas at abot-kaya ang karne para sa mga mamimili.










