SASAKYAN NG MAG-ANAK, NAHULOG SA BANGIN; 2 MENOR DE EDAD, PATAY

22
Cauayan City, Isabela-Patay ang dalawang menor de edad habang sugatan ang tatlong iba pa matapos mahulog sa bangin ang kanilang sinasakyang Tamaraw FX vehicle dakong alas-10:00 kagabi sa bahagi ng Bawi, Barangay Gonogon, Bontoc Mountain Province.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Fausto Jr. Querido Ballakis, 11-anyos at residente ng Sabangan at Nathan James Oloan Ballakis, 4-taong gulang at residente ng Samoki.

Habang patuloy na inoobserbahan sa ospital ang mga sugatang biktima na kinilalang sina Jeranie Querido Ballakis, 50-anyos; Fausto Sr. Langagan Ballakis, 51-anyos at Fernan Querido Ballakis, 18-anyos, na siyang nagmamaneho ng sasakyan ng mangyari ang trahedya.

Batay sa imbestigasyon ng Bontoc Municipal Police Station, papauwi na ang mga biktima sa kanilang tahanan ng mangyari ang insidente kung saan nakatulog umano ang drayber dahilan para mahulog ang sasakyan sa tinatayang 30 metrong lalim ng bangin.

Nagawa pang isugod ang mga biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ang dalawang menor edad.

Kaugnay nito, inatasan ni Bontoc Mayor Franklin Odsey ang lahat ng concerned offices na mag-abot ng kaukulang tulong sa mga biktima.

Facebook Comments