Thursday, August 20, 2026

Paglala ng ekonomiya, hindi na dapat hintayin bago pag-aralan ang mga wage adjustments —DOLE

Hindi dapat maging hadlang ang injunction para tugunan ang nagbabagong kalagayan ng mga manggagawa at employer.

Ito ang binigyang-diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa gitna ng hindi pa naipapatupad na P85 minimum wage hike sa Metro Manila dahil sa utos ng korte.

Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, patuloy na hahanap ang pamahalaan ng mga legal at naaayon sa Labor Code na paraan para tugunan ang mga pangangailangan ng sektor habang iginagalang ang proseso ng hudikatura.

Sinabi pa ng kalihim na dapat nakabatay sa ebidensiya at flexible ang pagtatakda ng sahod para masigurong nakaayon sa kasalukuyang estado na kinakaharap ng mga manggagawa at employers.

Hindi na rin dapat aniyang hintayin pa ng pamahalaan na maghain ng petisyon ang mga manggagawa o lumala pa ang ekonomiya bago pa pag-aralan kung sapat pa ang kinikita.

Dahil dito, nanawagan si Tolentino para sa mid-year wage at price assessment para matukoy kung gaano nakaapekto ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa halaga ng minimum wage sa iba’t ibang rehiyon.

Facebook Comments