Patuloy na pinaiigting ng mga awtoridad ang pagbabantay at pagbibigay-seguridad sa Tondaligan Beach sa Dagupan City sa inaasahang pagdami ng mga beach goers ngayong Undas 2026.
Ayon kay Ella Oribello ng City Engineering Office, na nakatalaga sa mga lifeguard sa lugar, inaasahang mas dadami pa ang mga bibisita sa beach sa mga susunod na araw.
Tig-tatlong lifeguard ang nakatalaga sa anim na lokasyon upang magbantay at agarang rumesponde sakaling may mangyaring insidente.
Kabilang sa mga dumayo sa beach ang pamilya ni Rhein, na nagmula pa sa Nueva Vizcaya.
Sinabi niya na sinamantala nila ang araw na wala silang pasok sa trabaho upang magtungo sa Tondaligan Beach at magrelaks.
Samantala, nanatiling slight to moderate ang lagay ng tubig sa baybayin at wala ring naitalang banta ng storm surge.
Kaugnay nito, patuloy na mahigpit na ipatutupad ng mga awtoridad ang pagbabantay sa mga naliligo, kabilang ang no night swimming policy, upang matiyak ang kaligtasan ng mga beach goers at maiwasan ang anumang insidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








