Thursday, May 7, 2026

Sen. Marcoleta, bumwelta kay Sen. Ping tungkol sa umano’y P500 million na allocables sa DPWH

Bumwelta si Senator Rodante Marcoleta kay Senate President pro-tempore Ping Lacson matapos kumpirmahin ang umano’y P500 million allocables ng mga proyekto mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Puna ni Marcoleta, hindi man lang idiniin ni Lacson sa kanyang partial report si dating Speaker Martin Romualdez.

Ang ginawa lamang aniya ay irekomenda si Romualdez para lang sa fact-finding sa halip na preliminary investigation gayong si Romualdez ay itinuro at kakasuhan na ng Ombudsman bilang umano’y mastermind ng flood control scam.

Kinukwestyon pa ni Marcoleta kung bakit hindi kasama sa inirerekomenda para sa malalimang imbestigasyon para sa pagsasampa ng kaso sina dating Undersecretary at Presidential Liaison Office Head Adrian Bersamin at dating Justice Usec. Jojo Cadiz.

Umalma rin ang senador sa aniya’y panibagong paninira sa kanya ni Lacson tungkol sa allocables sa DPWH at pambubukol sa mga kongresista sa halip na ang pagtuunan ay ang katiwalian sa flood control projects.

Sa huli ay iginiit ni Marcoleta na hindi dapat maging entablado ang Senado ng mga intriggero na alam naman ang totoong motibo.

Facebook Comments