
Naniniwala si Senate President Pro-Tempore Ping Lacson na walang iisang mastermind sa maanomalyang flood control projects.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Lacson na sa tingin niya sa bawat rehiyon o bawat district engineer ay mayroong mastermind.
Sinabi ng senador na wala mang iisang mastermind pero mayroong organisadong grupo na nasa loob ng isang ahensya at kalat sa bawat district engineering office ang kumikilos sa mga katiwaliang ito.
Paniwala pa ni Lacson na walang isang taong pwedeng mag-command o mag-utos sa lahat ng regional director kahit pa ang Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary.
Kapag sinabing mastermind aniya, ito ay fully-organized na mistulang mafia na lahat ay sa iisang tao lang susunod at base aniya sa mga ebidensya, hindi lang si dating Cong. Zaldy Co ang congressman contractor ang nagmamanipula at nangiimpluwensya sa mga lugar na tukoy na ghost flood control projects.
Hinamon naman ni Lacson na kung may gustong tumbukin na utak ng anomalya, dapat ay magharap sila ng ebidensya para ma-verify ng komite ng senador.










