Sunday, May 17, 2026

Pag-convene ng impeachment court, haharangin umano ng minorya ayon kay Sen. Padilla

Haharangin umano ng minority bloc sa Senado ang pag-convene ng impeachment court sakaling iakyat na ng Kamara ang mga articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Senator Robinhood Padilla, trabaho ng minorya ang tumutol o kumontra hindi lang sa usapin ng impeachment kundi sa lahat ng bagay na tinatalakay sa Senado.

At dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho sa oposisyon, hindi sila dapat pagbintangan na mga bias o may kinikilingan kung mag-o-oppose sila o haharang sa pag-convene ng Senate impeachment court.

Binigyang-diin pa ni Padilla na parliamentary procedure ito na dapat nilang sundin at ito ang sinasabi ng demokrasya.

Samantala, sinabi naman nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, Senator Jinggoy Estrada at Senator Imee Marcos na wala silang napag-uusapan sa pulong ng minorya tungkol sa pagharang ng oposisyon sa pag-convene ng impeachment court.

Kinontra ni Cayetano ang naunang pahayag ni Padilla at aniya, maraming abogado sa minorya at kung ano ang tama, nasa rules, sa batas at sa Konstitusyon ay iyon ang susundin ng kanilang grupo.

Facebook Comments