Wednesday, September 16, 2026

Sen. Robinhood Padilla, handang humarap sa DOJ prosecutors kaugnay ng reklamong obstruction of justice laban sa kanya

Haharap si Senator Robinhood Padilla sa Department of Justice (DOJ) kasunod ng kumpirmasyon na natanggap na niya ang subpoena kaugnay sa reklamong “obstruction of justice” na inihain laban sa kanya ng PNP.

Ayon kay Padilla, sa kabila ng payo ng kanyang abogado na hindi naman kailangang humarap ay nakahanda siyang tumalima sa utos ng DOJ.

Sa September 25 at October 9, alas-2:00 ng hapon pinahaharap ang senador sa punong tanggapan ng ahensiya sa Ermita, Manila.

Sa ngayon ay pinag-aaralan pa nila ang kaso at mga dokumentong isusumite dahil kahapon lamang nila natanggap ang subpoena.

Nanindigan muli si Padilla na hindi niya itinakas mula sa pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) si Senator Bato dela Rosa sa Senate Building noong madaling araw ng May 14, 2026.

Aniya, papanong pagtakas ang nangyari na nakadaan sila sa libo-libong mga pulis na nagbabantay noon sa loob at labas ng Senado.

Iginiit pa niya na inihatid lang niya sa kaniyang sasakyan si Dela Rosa at pagkababa nito, wala na aniya siyang naging contact o komunikasyon mula sa kasamahang senador.

Facebook Comments