Thursday, September 10, 2026

Kondisyon ni Romualdez, hinimay sa korte

Kinuwestiyon sa Sandiganbayan 3rd Division ang naging proseso ng pag-admit kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center.

Sa pagdinig, inamin ni Dr. Kurt Allen Sibayan, ang admitting doctor ni Romualdez, na hindi niya personal na nakita ang dating Speaker kahit siya ang nakapangalan sa ilang medical records nito.

Ayon kay Sibayan, pinigilan umano siya ni Dr. Rosalio Torres, ang main attending physician ni Romualdez, na makita ang pasyente. Nang tanungin ni Associate Justice Moreno kung maituturing na emergency ang kalagayan ni Romualdez, sinabi ni Sibayan na hindi ito maituturing na emergency.

Iginiit naman ni Torres na itinuring nilang emergency ang kondisyon ni Romualdez dahil high-risk umano ito sa posibleng heart attack. Gayunman, kinuwestiyon sa pagdinig kung bakit diretso sa private room at hindi sa emergency room dinala ang dating Speaker.

Paliwanag ni Torres, nais ni Romualdez na siya mismo ang tumingin dito. Delikado rin umano itong ilipat sa ibang ospital dahil maaaring atakihin habang nasa biyahe at mahalaga ang tinatawag na “golden hour” sa ganitong kondisyon.

Lumabas din sa pagdinig na si Dr. Rody Sy umano ang unang doktor na personal na humarap kay Romualdez.

Patuloy na dinidinig ng korte ang mosyon ng kampo ni Romualdez na payagan siyang manatili sa ospital habang nasa kustodiya.

Facebook Comments