
Nagpakomisyon si Senate Majority Leader Migz Zubiri ng survey sa Pulse Asia para sa posibleng presidential candidates.
Ayon kay Zubiri, ito ang unang resulta na isinagawa noong February 27 hanggang March 2, 2026 at ang susunod na resulta ay lalabas sa Hunyo.
Paliwanag ni Zubiri, ginagawa nila ito para makakuha ng malinaw na regular reading sa field partikular sa kung sino ang nangunguna at sino ang seryosong ikinukunsidera ng mga botante sa 2028.
Dagdag pa ni Zubiri, sa politika ang information ay power at ang survey ay makakapagbigay ng snapshot o kabuuang larawan pero pag ginawang serye ang survey ay makikita ang pattern na gusto ng mga tao.
Naniniwala si Zubiri na mas makakatulong ang regular na pagbabasa sa sentimyento ng taumbayan upang mas maunawaan kung anong klaseng liderato o pamumuno ang kanilang hinahanap.
Sa naturang survey, nanguna si Vice President Sara Duterte na nakakuha ng 43 percent, pangalawa si dating VP Leni Robredo na may 27%, pangatlo si Senator Raffy Tulfo na may 19%, pang-apat si Senator Bam Aquino na 5%, panglima si Senator Risa Hontiveros na may 2% at panghuli si DILG Secretary Jonvic Remulla na may 1%.










