
Nanguna ang Land Transportation Office (LTO) sa listahan ng mga ahensya ng gobyerno na may pinakamaraming reklamo sa pagproseso ng transaksyon, ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni ARTA Director General Ernesto Perez na karamihan sa reklamo laban sa LTO ay nagmula sa Metro Manila.
Kabilang sa mga isyu ang mabagal na aksyon sa aplikasyon at paniningil ng dagdag na requirements.
May naitala ring reklamo tungkol sa mga fixer, at tatlo na ang nahatulan sa ilalim ng Ease of Doing Business Act.
Bumaba na sa ikatlong pwesto ang Food and Drug Administration (FDA), na dating nangunguna sa listahan ng mga ahensyang may pinakamaraming reklamo.
Nilinaw ng ARTA na agad nilang ipinapaabot sa mga ahensya ang reklamo at inaaksyunan naman ito.
Nakatututok din aniya ang pananagutan sa mga opisyal o empleyadong sangkot sa iligal na gawain, hindi sa buong ahensya.










