Senado, balak ipa-subpoena si DPWH Sec. Bonoan kaugnay sa bumagsak na Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela

Nagbabala si Senator Alan Peter Cayetano na ipapa-subpoena si Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan kung hindi makakahabol ngayong araw sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee patungkol sa bumagsak na tulay na Cabagan-Sta Maria Bridge sa Isabela.

Inatasan ni Cayetano ang mga tauhan ng DPWH na i-text si Sec. Bonoan na humabol sa pagdinig dahil ang imbestigasyon ng Blue Ribbon ay hindi lang naman tungkol sa bumagsak na tulay.

Giit ng senador, ang pagdinig ay tungkol din sa aksyon ng DPWH sa contractors at tauhan ng ahensya na responsable sa pagbagsak ng tulay kaya nararapat lamang na naririto sa pagdinig ang kalihim.


Puna pa ni Cayetano, maski sa ipinatawag na pagdinig noon tungkol sa New Senate Building (NSB) ay hindi rin humarap si Bonoan.

Kung hindi dadalo ang Secretary ay nagbabala si Cayetano na mapipilitan siyang ipa-subpoena ang DPWH Secretary sabay hirit na hihilingin niya kay CIDG Major General Nicolas Torre III na dalhin siya rito sa Mataas na Kapulungan.

Ipinaisa-isa rin ni Cayetano sa committee secretariat ang mga dating opisyal na sangkot sa pagpapatayo ng tulay na sinimulan noong Nobyembre 2014 at natapos nito lamang Pebrero 1, 2025 bago ang nangyaring trahedya nito lamang Pebrero 27.

Facebook Comments