
Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang naging desisyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa pag-dismiss ng administratibong reklamong inihain laban sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group–National Capital Region (CIDG-NCR).
Ito ay kasunod ng operasyon noong March 24 laban sa mga umano’y ilegal na online sabong sa Tondo, Manila, na nagresulta sa pagkakaaresto sa higit 100 indibidwal.
Nag-ugat ang nasabing reklamo sa NAPOLCOM matapos makuhanan sa CCTV ang isang personnel ng CIDG na umano’y may kinuha sa teller na agad namang nilinaw ng PNP na isa itong betting ticket at bahagi ito ng ebidensya sa kanilang entrapment operation.
Matapos ang pag-iimbestiga sa nasabing insidente, nakita ng Commission na hindi makakasuhan ng administratibo ang nasabing personnel at isinagawa ang operasyon nang naaayon sa batas.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. sa NAPOLCOM para umano sa pagiging patas at walang kinikilingang pagtingin sa nasabing kaso.
Ayon kay Nartatez, nagpapakita lamang ito na kapag ang isang pulis ay gumawa ng tama at walang nilabag sa batas, sila ay poprotektahan, at ang mga gumagawa ng mali ay may pananagutan sa batas.










