Senado, muling umapela sa DFA na magsumite ng isang malakas na diplomatic protest laban sa China

Muling kinalampag ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magsumite ng isang malakas na diplomatic protest laban sa China.

Kasunod ito ng panibagong pangha-harass at mapanganib na aksyon ng mga barko ng China sa barko ng Pilipinas sa may Bajo de Masinloc na sakop ng teritoryo ng bansa.

Ayon kay Tolentino, ang aksyon ng China ay hindi lamang kawalan ng pag-iingat at mapanganib kundi ito ay tahasang paglabag sa international maritime norms at paghamak sa ating soberenya.

Bukod sa diplomatic protest, hinihimok din ni Tolentino ang mga kaalyado at international partners na manindigan kasama ang Pilipinas sa pagkundena laban sa mga agresibong aksyon ng China.

Aniya, hindi tayo matatakot at patuloy lamang ang mga Pilipino sa paggiit ng ating karapatan sa ilalim ng International Law.

Facebook Comments