Makati Mayor Abby Binay, sinampahan ng Kasong graft dahil sa pagsasara ng mga pasilidad sa EMBO

Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman si Makati Mayor Abby Binay.

Ito’y kasunod ng isinampa ng dalawang residente ng EMBO na inakusahan siya ng paglabag sa mga batas laban sa katiwalian at pagsuway sa desisyon ng Korte Suprema na nagbabawal sa Makati na mag-exercise ng jurisdiction sa EMBO barangays.

Kasong paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees), at Artikulo 231 ng Revised Penal Code ang isinampa laban kay Binay.

Nag-ugat ang reklamo sa desisyon ni Mayor Binay noong Enero 2024 na ipasara ang mga health center, daycare facility, at iba pang serbisyong pampamayanan sa mga lugar ng EMBO matapos pagtibayin ng Korte Suprema ang hurisdiksyon ng Taguig sa mga pinag-aagawang barangay.

Ayon sa mga nagreklamo, na residente ng South at East Rembo, nakaranas sila ng matinding hirap dahil sa pagkawala ng mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar.

Kung saan ang ilan ay hindi nakakuha ng maintenance na gamot at kailangan pang lumayo at magpatingin sa ibang health centers.

Binanggit sa reklamo ang Proclamation No. 1916, na nagtatalaga sa nasabing lupa para sa institusyonal at pampublikong gamit ng mga residente ng Cembo, South Cembo, East at West Rembo, Pembo, Pitogo, Rizal, at Comembo.

Ayon sa mga residenteng nagsampa ng nagreklamo sa Ombudsman ay dapat na pansamantalang suspendihin si Mayor Binay, patawan siya ng mga kaukulang parusang administratibo kabilang ang pagpapatalsik sa puwesto kung kinakailangan, at sampahan siya ng kasong krinimal sa korte.

Facebook Comments