Friday, August 14, 2026

Senado, walang palulusutin na leadership fund sa 2027 budget

Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito na walang palulusutin na leadership fund sa 2027 national budget.

Sinabi ni Ejercito na nagusap na sila tungkol dito ni Senate President Sherwin Gatchalian na nanguna sa paghimay sa 2026 national budget.

Sinabi mismo rin ni Senator Ping Lacson na wala nang leadership fund ngayong taon at ito’y inilagay noong panahon ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.

Nilinaw naman ni Ejercito na bagaman deputy majority leader siya noong 2024 na hinimay ang budget sa 2025, wala naman siyang nalalaman sa nasabing leadership fund o tinawag rin na allocables.

Nalaman na lamang nila ang tungkol sa allocables noong magkaroon ng pagdinig sa maanomalyang flood control projects.

Dagdag pa ni Ejercito, kung nagrekomenda man sila ng amyenda o insertions sa budget para sa mga proyekto, ito ay transparent o ginawa sa plenary sessions o sa harap ng publiko at walang ring masama dahil pantugon sa kailangan ng publiko at mga lokalidad gaya ng pagpapabigay ng pondo sa kanyang pet program na Universal Health Care o libreng gamutan.

Facebook Comments