
Para kay House Deputy Minority Leader at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña, mistulang ninakawan at na-snatch ang dagdag na sweldo ng mga manggagawa.
Mensahe ito ni Cendaña kasunod ng preliminary injunction na ibinaba ng Pasig Regonal Trial Court (RTC) na nagpapalawig sa suspensyon ng pagpapatupad ng 85 pesos na wage increase sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Cendaña, dahil sa Temporary Restraining Order (TRO) na unang inlabas ng Pasig RTC ay P780 na ang hindi natatanggap ng mga minimum wage earners.
Dismayado si Cendaña na dahil sa preliminary injunction ay mas lalong lalaki pa ang halagang ipinagkakait sa mga mangaggawa.
Bunsod nito ay muling iginiit ni Cendaña ang pangangailangan na madaliin ang pagpasa sa panukalang P200 daily minimum wage increase.










