
Inaprubahan ng Senado ang ratipikasyon ng hiwalay na Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas sa Canada at sa New Zealand sa botong 19 na pabor at wala namang pagtutol.
Nagpasalamat ang sponsor ng dalawang resolusyon na si Senator Erwin Tulfo sa lahat ng mga tanggapan na nakilahok sa pagdinig at aniya ang dalawang VFAs ay magpapalakas sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamamagitan ng joint military exercises at trainings at sa kakayanan din ng bansa na tumugon sa mga kalamidad at sakuna.
Pinaniniwalaang mas mapapalalim nito ang ugnayan ng Pilipinas sa dalawang bansa ukol sa depensa at seguridad.
Nilinaw ni Tulfo na ang panibagong VFA ay hindi magbibigay daan sa pagtatayo ng mga base militar ng mga dayuhan at hindi rin isinusuko ang soberenya ng Pilipinas.
Bukod sa Canada at New Zealand, may mga naunang VFA na rin ang Pilipinas sa Estados Unidos, Australia at Japan.










