
Labis na ikinadismaya ni Senator Imee Marcos ang naging desisyon ng International Criminal Court (ICC) na igiit ang hurisdiksyon sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa desisyon ng Appeals Chamber, itinataguyod nito ang naunang desisyon noong Oktubre 2025 kung saan sinasabing may awtoridad ang ICC sa mga kaso ng crimes against humanity laban kay Duterte at ibinasura ang apela rito ng depensa.
Giit ni Sen. Imee, ang desisyong ito ay nagbabalewala sa soberenya ng Pilipinas mula sa pagkalas nito sa Rome Statute at nagmamaliit sa fundamental principle na dapat unahin na bigyang importansya ang mga institusyon sa bansa na may kakayahan at handang umaksyon.
Nababahala ang senadora dahil ito ay seryosong usapin tungkol sa paggalang sa ating pambansang soberenya at ang limitasyon ng international jurisdiction sa bansa.
Binigyang-diin pa ni Sen. Marcos na ang katarungan ay dapat na tumatalima sa ating Konstitusyon, sa mga batas at sa integridad ng ating sariling judicial processes.










