Monday, April 20, 2026

SP Sotto, pinayuhan ng isang senador na paghandaan ang posibleng pagkwestyon ni Sen. Marcoleta sa impeachment trial

Pinayuhan ni Senate President Pro-Tempore Ping Lacson si Senate President Tito Sotto III na paghandaan ang posibleng pagharang ni Senator Rodante Marcoleta sa impeachment trial ng Senado kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Lacson, mayroong naging pahayag noon si Marcoleta na bago magsimula ang impeachment trial laban kay VP Sara ay kukwestyunin niya ang batayan ng paglilitis.

Tinimbrehan na niya si Sotto para paghandaan ang mga magiging tanong ni Marcoleta sakaling kwestyunin sa umpisa ang proseso lalo’t ang Senate President ang presiding judge at hindi ito abogado.

Kung kukwestyunin aniya ni Marcoleta ang tungkulin nila bilang senator-judge ay posibleng payuhan nila itong sumama na lang sa defense team ng bise presidente.

Samantala, wala pang pahayag ang kampo ni Marcoleta tungkol dito bagama’t nagtataka umano sila kung ano ang basehan ni Lacson sa naging akusasyon.

Facebook Comments