
Natumba umano sa loob ng comfort room ng New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City si Senador Jinggoy Estrada kaninang umaga.
Ayon sa impormasyong nakalap natin, naghahanda umano ang senador para sa nakatakda niyang X-ray procedure sa Cardinal Santos Medical Center nang mangyari ang insidente.
Habang naliligo, bigla umanong lumagutok o nag-snap ang tuhod ni Estrada at nakaramdam ng matinding pananakit, dahilan para hindi na niya kayaning tumayo at tuluyang matumba.
Pinayagan ng Sandiganbayan Fifth Division si Estrada na pansamantalang makalabas ng piitan ngayong araw upang sumailalim sa medical procedure kaugnay ng iniinda niyang osteoarthritis.
Batay sa desisyong inilabas ng Sandiganbayan nitong Lunes, kinakailangang maibalik si Estrada sa New Quezon City Jail pagsapit ng alas-tres ng hapon matapos ang kanyang medical procedure.










