
Patay ang apat na indibidwal kabilang ang isang pulis at isang kapitan matapos silang pagbabarilin sa kasagsagan ng pyesta sa Brgy. San Rafael Abajo, Sto. Tomas, Isabela alas-7:50 ng gabi, kahapon.
Kabilang sa mga nasawi sina Barangay Captain Jimmy Paeste Jr. at Police Corporal Frederick Bautista na dead on the spot dahil sa tinamong tama ng bala habang ang ilan pa ay naiulat na sugatan na agad namang isinugod sa ospital.
Sa ulat ng pulisya , magkakasama ang mga biktima sa isang mesa nang bigla silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang armadong mga suspek.
Tinitingnan na ngayon ng mga awtoridad ang posibilidad na may kaugnayan ang nasabing insidente sa naunang hot pursuit operation ng Sto. Tomas at Delfin Albano police laban sa umano’y Magsanoc Criminal Group na sangkot umano sa ilegal na droga.
Kinondena naman ni Sto. Tomas Mayor Leandro Antonio Talaue ang nangyaring insidente at tiniyak ang ayuda at suporta sa mga pamilya ng mga biktima.
Nagpapatuloy naman ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen.










