
Isinusulong ng Department of Energy (DOE) ang paggamit ng langis na nabili sa Philippine National Oil Company (PNOC) sa mga power plants sa mga lugar na hindi konektado sa grid.
Ang PNOC ay isang Government-Owned and Controlled Corporation (GOCC) na itinatag noong 1973 para siguruhin ang matatag na supply ng enerhiya partikular ang petroleum products para sa bansa.
Ayon kay DOE Sec. Sharon Garin, ang paggamit ng PNOC-purchased oil ay para mabigyan ng preferential o discounted rates ang mga oil-fired power plants upang matiyak ang sapat na suplay ng fuel sa mga lugar na hindi konektado sa grid.
Aniya, prayoridad kasi ng pamahalaan ang tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng kuryente sa mga off-grid islands alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sa ngayon, tuloy-tuloy ang koordinasyon ng DOE sa PNOC, National Power Corporation (NAPOCOR), Energy Regulatory Commission (ERC), National Electrification Administration (NEA), at iba pang stakeholders para tiyaking mapanatiling abot-kaya ang kuryente, mabawasan ang insidente ng brownout, at maprotektahan ang kapakanan ng mga komunidad sa malalayong isla.










