Monday, August 10, 2026

Senador, suportado ang pagpapalawig ng termino ng BSK sa 5 taon

Sinuportahan ni Senator Imee Marcos ang panukala ni Senator Chiz Escudero na palawigin ng limang taon ang termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (BSK).

Sinabi ni Sen. Marcos na sa nakalipas na Kongreso ay isinulong pa nga niya na gawing anim na taon ang termino ng BSK subalit may ilang mga mambabatas sa dalawang kapulungan ang umangal na napakahabang panahon ito kaya nauwi sa apat na taong termino lang.

Gayunman, nagpaalala ang senadora kay Escudero tungkol sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa 2028.

Ayon kay Sen. Imee, alinsunod sa ruling ng Korte Suprema tungkol sa Macalintal vs Comelec noong June 27, 2023, ang termino ng BSK officials na nahalal noong 2018 elections ay natapos noong December 31, 2022.

Kung palalawigin sa limang taon ang termino ay dapat aniya sa 2027 ang susunod na BSKE at hindi sa 2028.

Naunang isinulong ni Escudero na palawigin ang termino ng mga BSK officials sa limang taon na may tatlong consecutive terms para sa barangay at isang term lang sa SK na layong mapahusay ang stabillity at consistency ng serbisyo sa barangay level.

Facebook Comments