
Iginiit ng House Prosecution Panel na walang kaugnayan sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang binigyang diin ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos ipinakita ni defense lawyer Atty. Mark Vinluan ang SALN ni PBBM sa impeachment trial bilang bahagi ng kanyang cross examination kay retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Dagdag pa ni Ridon, magkaibang-magkaiba ang mga katotohanan sa SALN ng Pangulo kumpara sa SALN ng Pangalawang Pangulo.
Kaya naman paalala ni Ridon sa Defense team, si VP Sara ang nililitis sa impeachent court at hindi si Pangulong Marcos.
Diin naman ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin, walang epekto sa lakas ng impeachment case laban kay VP Sara ang pagpapakita ng SALN ng Pangulo sa paglilitis.
Para kay Garin, ang hakbang ni Atty. Vinluan ay paglihis mula sa totoong isyu at mga alegasyon laban sa bise presidente.










