
Ikinahihiya ni Senator Sherwin Gatchalian na pinapayagan ng Bureau of Immigration (BI) na mismong ang deportees na POGO bosses at workers ang bibili ng sarili nilang ticket paalis ng bansa.
Sa pagdinig kahapon sa Senado ay inamin ng BI na pinayagan nilang bumili ng sariling plane ticket ang tatlo sa mga hinihinalang POGO bosses dahilan kaya posibleng nakatakas ang mga ito sa layover o stopover ng eroplano at hindi bumalik sa dapat na destinasyon na China.
Ayon kay Gatchalian, hindi ito tama at ngayon lang siya nakarinig na ang ide-deport ang siyang bibili ng ticket at siya ring bahala kung saan niya gustong pumunta.
Sinabi ni Gatchalian na kasalanan natin ito at common sense lang din dahil ang POGO bosses ay may pera, may mga koneksyon at may kakayahan talagang tumakas kaya tiyak na batid ng mga ito kung ano ang dapat nilang gawin para hindi maparusahan.
Napatunayan na aniya ito sa ginawang pagtakas noon ni Alice Guo na may kakayahan siyang magpalipat-lipat ng bansa at may mga taong sumasalo sa kanya para makagalaw.