30 minutong heat stroke break, ipinatupad na ng MMDA sa kanilang mga field personnel

Nagpapatupad na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng 30-Minute Heat Stroke Break Policy para sa kanilang field personnel, tulad ng traffic enforcers at street sweepers.

Tatagal ito hanggang May 31 para maprotektahan ang mga on-duty personnel ng MMDA laban sa mga sakit na maaaring makuha sa mainit na panahon.

Gagawin ang Heat Stroke Break nang salitan upang matiyak na hindi maaantala ang operasyon sa lansangan.

Maaaring magpahinga ng 30-minuto ang mga on-duty personnel sa lilim, uminom ng tubig, at mag-rehydrate sa itinakdang oras batay sa kanilang shift.

Kapag inaasahan naman na aabot sa 40 degrees Celsius ang heat index sa Metro Manila, papayagan silang magkaroon ng karagdagang 15 minutong pahinga.

Facebook Comments