Saturday, September 19, 2026

Ombudsman, sinisilip ang umano’y ‘ghost internet’ scheme sa DICT

Iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman ang umano’y “ghost internet” scheme sa mga IT project ng gobyerno, partikular sa mga kontrata sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, posibleng nagbabayad nang buo ang gobyerno para sa mga IT system kahit mas mura, luma o maging pekeng software ang aktuwal na inilalagay ng ilang contractor.

Paliwanag ni Clavano, dito umano nagkakaroon ng butas ang sistema: naiinspeksyon ang mga hardware gaya ng makina at router, pero maaaring hindi nasusuri nang maayos kung ang software na nakalagay ay siya talagang nakasaad sa kontrata.

Sisilipin din ng Ombudsman kung may mga internet site o serbisyong binayaran pero hindi naman na-deliver o hindi gumagana, kung overpriced ang mga kontrata, at kung sino ang nag-apruba at nagpalabas ng bayad.

Nasa fact-finding stage pa lamang ang imbestigasyon at nakatakdang pangalanan ng Ombudsman ang mga sangkot na indibidwal o kompanya pagkatapos ng imbestigasyon.

Facebook Comments