
Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, ililipat ang susunod na BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at magiging limang taon ang termino ng mga barangay at SK officials.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mahalaga ang papel ng mga barangay official sa pagtugon sa krimen, baha, problema sa basura at iba pang pangangailangan ng komunidad.
Binigyang diin din ni Pangulong Marcos, ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dapat maging dagdag na panahon para maglingkod.
Hinikayat niya ang mga opisyal na gamitin ang extension para pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at mas tutukan ang pangangailangan ng bawat komunidad at kabataan.
Giit pa ng Pangulo, hindi ito dagdag na panahon para manatili lamang sa puwesto, kundi dagdag na panahon ng pananagutan sa taumbayan.










